Lando (feat Chito Miranda)

'Wag kang mabahala, may nagbabantay sa dilim
Nag-aabang sa sulok at may hawak na patalim
'Di ka hahayaan na muli pang masaktan
'Wag ka nang matakot sa dilim

Ito ay kuwentong hango, nanggaling sa dalawang taong
Nagmamahalan nang tunay, ang ngala'y Elsa at Lando
At kahit parang pagkakataon ay nakakandado
Dahil magkalayo ang uri ng buhay ang estado
Ng buhay ni Lando ay 'di nalalayo sa marami
Sinunog ng araw ang kulay ng balat
At marami nang galon ng pawis ang kanyang naidilig sa lupa
Upang ang gutom ay 'di na masuklian pa ng luha

Habang ang babaeng kanyang minamahal ay sagana
Ngunit kabilang sa pamilya na 'di alintanang
Makipagkapuwa-tao sa mga tulad n'yang dukha
Gayon pa ma'y patuloy ang pagmamahal na pinunla ng pag-ibig

'Wag kang mabahala, may nagbabantay sa dilim
Nag-aabang sa sulok at may hawak na patalim
'Di ka hahayaan na muli pang masaktan
'Wag ka nang matakot sa dilim

Kahit na ano mang bagay ang pilit na ihadlang
Sino man ay walang makapipigil sa paghakbang
Ng mga paa na ang nais ay marating ang ligaya
Niyayang magtanan, 'di nag-atubili na sumama
Hawak ang pangarap at pangako sa isa't isa
Nagpakalayo-layo, 'di namuhay na may kaba
Dahil alam nila na sa bawat isa'y nakalaan
At ang pagmamahalan, tangi nilang sinasandalan

Wala nang ibang bagay pa silang mahihiling
Kundi isang pamilya sa loob ng apat na dingding
At isang bubong na maaaring tawaging tahanan
Bakit may pangit na kabanatang kailangang daanan pa?

'Wag kang mabahala, may nagbabantay sa dilim
Nag-aabang sa sulok at may hawak na patalim
'Di ka hahayaan na muli pang masaktan
'Wag ka nang matakot sa dilim

Isang gabi ng Huwebes, lumubog na ang araw
Doon tayo magkita, pasalubong ko'y siopao
Upang ating paghatian pagdating ng hapunan
Mayro'n palang nakaabang sa 'min na kamalasan
Eskinita sa Ermita, may sumaksak kay Elsa
Sa tagiliran, isang makalawang na lanseta
Ang gamit upang makuha lang ang kanyang pitaka
Kami'y mahirap lamang, bakit 'di na s'ya naawa?

Hindi ko naabutang buhay ang aking mahal
At hanggang sa huling hantungan ay nagdarasal
"Bakit po? Bakit po?", ang laging lumalabas
Sa 'king bibig, palaboy-laboy, ni walang landas
Akong sinusunod, baliw sa mata ng marami
Siguro nga, 'di ko na kilala ang aking sarili
Pangala'y taong grasa, may patalim na gamit
At ang tanging alam ay isang malungkot na awit, at ang sabi

'Wag kang mabahala, may nagbabantay sa dilim
Nag-aabang sa sulok at may hawak na patalim
'Di ka hahayaan na muli pang masaktan
'Wag ka nang matakot sa dilim



Credits
Writer(s): Aristotle Pollisco
Lyrics powered by www.musixmatch.com

Link