Wala Nang Tao Sa Santa Filomena

Nag-iisang lumilipad ang langay-langayan
Anino niya'y tumatawid sa nanunuyong palayan
Tanging sagot sa sigaw niya ay katahimikan
At kaluskos ng hangin sa dahon

'Sang ikot pa, huling sulyap mula sa ibabaw ng bayan
Mga kubong pinatatag ng lupa at kawayan
Paalam na, paalam na ang awit ng langay-langayan
Nguni't walang nakasaksi sa palayo niyang lutang

Pagka't wala nang tao sa Sta. Filomena
Walang aani sa alay ng lupa
Nakayuko ang palay, tila bang nalulumbay
Tila bang naghihintay ng karit at ng kamay

Nahihinog ang bunga ng mangga't bayabas
Pinipitas ng hangin at sa lupa'y hinahampas
Sinisipsip ng araw ang tamis at katas
Iniiwan ang binhing umaasa

At pagdating ng tag-ulan sa pinaghasikan
Upang hugutin ang buhay mula sa kamatayan
Muling dadaloy ang dugo sa ugat ng parang
Subali't ang lahat na 'to'y masasayang

Pagka't wala nang tao sa Sta. Filomena
Walang aani sa alay ng lupa
Ang palay ay nakayuko, tila bang sumusuko
Naghahandog ng buhay sa karit at kamao

Lumilipad, sumisigaw ang langay-langayan
Nasaan ka at bakit ka nagtatago taumbayan
Panahon na, panahon nang balikan ang iniwan
Dinggin natin ang tangis ng abang langay-langayan
Dinggin natin ang tangis ng abang langay-langayan.



Credits
Writer(s): Jose Iñigo Homer Ayala
Lyrics powered by www.musixmatch.com

Link