Platito

Mga mahiyaing nilalang sa higanteng mga bulak
Nand'yan lang sa paligid, ayaw pang mangausap
Mga imahe'y payat, ngunit ang laki ng utak
Nag-iwan ng markang palaisipan ang sulat

Ako ay nagmasid mula hilaga hanggang timog
Sa isang iglap sila'y nakatawid
Ang araw at buwan nagkapikunan
Kaya may nagliliparang mga plato't platito sa himpapawid

Sino bang bisita ang 'di magnanais dumalaw
Sa bahay kung sa'n basang-basa ng pawis ng araw?
May mga nakakita't nagkakuliti na sila
Mga mata nila'y dilat, ngunit pikit pa 'yong isa

Sa likod ng mga bituin, rinig ko ang bulungan
Mistulang mga bubuyog, tayo ang pulot-pukyutan
Madaming takdang pananong ang nagtutubuan
At pa'no nga kung sila ang may dala ng kasagutan?

Mga sinaunang batong magkakapatong
Minsan nang nilamon ng dambuhalang alon
At sinakal ng usok na sadyang nakakalason
Misteryo pa rin kung ano'ng nangyari no'ng kahapon

Sumamba sa mga puno, hayop at anito
Nawala ang panghimagas na hinain ng platito
Pambihirang kaalama'y tuluyang nalunok
Biglang usbungan ng mga gusaling hugis tatsulok

Pa'no kung ang buhay sa mundo ay ang konsepto
At tayong mga naninirahan ang proyekto?
Tayo nga ba'y nilagay para pag-aralan
O para ihanda lang sa hinaharap na laban?

Sa pagitan ng mabuti't kabaligtaran nito
Alam ko na sa iba'y isang kahibangan ito
Maaaring lamang sila sa kagamitan
Gamit ang kanilang natatanging agham

Marahil, tingin nila sa atin langgam
Paugain lang ang sahig kaya tayong saktan
Pero wala silang alam sa bagay na mayro'n tayo
Ang pinakamahiwaga sa mundo ng mga tao, ang pag-ibig

Ang pag-ibig
Ang pinakamahiwaga sa mundo ng mga tao, ang pag-ibig
Ang pinakamahiwaga sa mundo ng mga tao, ang pag-ibig



Credits
Writer(s): Ron Joseph A. Henley
Lyrics powered by www.musixmatch.com

Link