Magda - Acoustic Version

Magdalena, ano'ng problema?
Bakit 'di ka makawala sa kadena?
At sa gabi-gabi, ikaw ay nasa selda
Ng hanapbuhay mo ngayon

Magdalena, ano'ng problema?
Alam naman natin na dati kang Nena
At sa iyong ama, ikaw ay prinsesa
Ano'ng nangyari sa 'yo?

Ito'y kuwento ng isang babaeng
Tulog sa umaga, gising sa gabi
Ang kanyang mukha'y puno ng kolorete
Sa lugar na ang ilaw ay patay-sindi
Simulan na natin ang istorya

Ako'y kanyang matalik na kaibigan
Ernesto ang aking pangalan
Kuwentong dapat n'yong malaman
'Wag nang magbulag-bulagan
Bakit ang nais natin ay malaman ang baho ng iba?
Pagbibigyan kita, kilala mo ba si Magda?

Na aking kababata mula pa nang pagkabata
Kami'y laging magkasama, mga bangkang papel sa sapa
Kanyang ngiti, lumiliwanag ang paligid
At 'pag s'ya'y dumadaan, mga leeg ay pumipilipit

Ubod ng ganda noong s'ya ay nagdalaga
Tuwing kausap ko na, malimit akong tulala
Kahit may nararamdaman, pinilit kong isara
Ang bibig at pintig ng puso para sa kanya

At sa sayawan, matapos kaming makapagtapos
Dahil pinawis ang mukha, ako'y nagpunas ng pulbos
Kahit parang hindi pantay, nagmamadaling hinila
Pinakilala n'ya, lalaki na taga-Maynila

Magdalena, ano'ng problema?
Bakit 'di ka makawala sa kadena?
At sa gabi-gabi, ikaw ay nasa selda
Ng hanapbuhay mo ngayon

Magdalena, ano'ng problema?
Alam naman natin na dati kang Nena
At sa iyong ama, ikaw ay prinsesa
Ano'ng nangyari sa 'yo?

Maraming taon ako'y nalipasan, pinilit ko mang takasan
Bagkus ay aking nalaman ang tunay kong kailangan
'Di ko maibaling ang pagtingin ko sa iba
Minamahal ko s'ya, hahanapin ko si Magda

Lumuwas habang nagdarasal na maabutan
Sa lugar na ang sabi'y kanyang pinagtatrabahuhan
Nakita ko'ng larawan n'ya na nakadikit sa pintuan
Iba man ang kulay ng buhok, 'di ko malilimutan

Ang kanyang mata, tamis ng kanyang ngiti
Dahil ubod ng saya, 'di na nag-atubili
Agad pumasok sa silid, pero bakit ang dilim?
Madaming lamesa't mga nag-iinumang lasing

Nang biglang nagpalakpakan, may mabagal na kanta
Sa maliit na entablado ay nakita ko na
Ako ay nagtaka, nagtanong, nagkamot
Bakit s'ya sumasayaw na sapatos lang ang suot?

Ito'y kuwento ng isang babaeng
Tulog sa umaga, gising sa gabi
Ang kanyang mukha'y puno ng kolorete
Sa lugar na ang ilaw ay patay-sindi
Ituloy natin ang istorya

Agad s'yang sumama sa 'kin, walang kakaba-kaba
Trato n'ya sa 'kin ay nobyo, tila kataka-taka
Bumaba sa taxi'ng pinara sa may Sta. Mesa
Parang ako'y bida sa mga sumunod na eksena

Kung ito'y panaginip, ayoko nang magising
Ngunit ako'y nanaginip, umaga na nang magising
Ang naabutan ko lamang ay may sobre sa lapag
Liham para sa 'kin na isinulat n'ya magdamag
Kahit gulong-gulo ang isip, pinilit kong basahin
'Di malilimutan ang mga sinabi n'ya sa akin

"Mahal kong Ernesto, alam kong tulog mo'y malalim
'Di na 'ko nagpaalam, 'di na kita ginising
Salamat nga pala sa pasalubong mong kalamay
At sa pinakamasayang gabi ng aking buhay
Nang iniwan ko ang baryo natin, ang akala ko
Isang tunay na pag-ibig ang matatagpuan ko
Hinanap kung saan-saan at kung kani-kanino
'Di ko inakalang ito ang kahahantungan ko

Imbis na ako'y sagipin, itinulak sa bangin
Ito pala'ng ibig sabihin ng kapit sa patalim
Kung mabaho sabunin, kung makati gamutin
Kung hindi na masikmura ay ibaling ang tingin
Kahit ako ay bayaran at kaladkaring babaeng
Alam ang amoy ng laway ng iba't ibang lalake
Isa lang ang kaya kong sa 'yo'y maipagmalaki
Ikaw lang ang bukod-tanging hinalikan ko sa labi

Gusto ko mang manatili sa 'yong mga yakap
Ako ma'y natutuwa dahil ako'y iyong nahanap
Wala na yatang walis ang makakalinis ng kalat
At ang katulad ko sa 'yo ay 'di karapat-dapat
Pinangarap kong sa altar, ako'y iyong ihatid
Ngunit sa dami ng pait, ang puso ko'y namanhid
'Di ko makakalimutan ang pabaon mong halik
Pero pakiusap, huwag ka na sana pang babalik
Regalo ng Maykapal ang ikaw ay makilala
Salamat sa alaala, nagmamahal, Magda"

Magdalena, ano'ng problema?
Bakit 'di ka makawala sa kadena?
At sa gabi-gabi, ikaw ay nasa selda
Ng hanapbuhay mo ngayon

Magdalena, ano'ng problema?
Alam naman natin na dati kang Nena
At sa iyong ama, ikaw ay prinsesa
Ano'ng nangyari sa 'yo?

Ito'y kuwento ng isang babae



Credits
Writer(s): Aristotle Pollisco
Lyrics powered by www.musixmatch.com

Link