Kawayanan

Kawayanan, kawayanan doon sa tabing-daanan
Hindi ba't laging kay lunti o kaya ay ginintuan
Kawayanan, kawayanan doon sa bandang silangan
Ay araw-araw na saksi sa kayraming kabiguan

Kawayán mo na, o Neneng, ang Nanay na mapagmahal
Pauwi na't nakatungo na kagaya ng kawayan
Kawayán mo na, o Neneng, ang Nanay mong minamahal
Dinalaw n'ya ang ama mo sa malayo pang kulungan

Kawayanan, kawayanan doon sa bandang silangan
Hindi ba't lagi ay ginto o kaya nama'y luntian
Kawayanan, kawayanan doon sa tabing-daanan
Ay araw-araw ding pinto sa landas ng kagitingan

Kawayán mo na, o Neneng, ang Nanay mong minamahal
Sa pulong-bayan dadalo, babawiin ang sakahan
Kawayán mo na, o Neneng, ang Nanay na mapagmahal
Sa tangan-tangan niyang sulo, nagpupugay ang kawayan

Kawayan
Kawayan mo na, o Neneng, ang Nanay

Kawayan
Kawayan mo na, o Neneng, ang Nanay

Kawayan
Kawayan mo na, o Neneng, ang Nanay



Credits
Writer(s): Ericson Acosta
Lyrics powered by www.musixmatch.com

Link