Araw

Kaibigan
Keri lang yan

Meron akong isang tula para sayo

Isang tula ng pangungumusta
Kung Ayos ka lang ba o Kaya pa ba

Sa totoo lang
Hindi ko rin alam

Pero paano ba natin tatanggapin ang mga salitang
Okay lang yan o ayos lang
Kung sa puso't isipan ay may mga katanungan na hanggang kailan
At kung bakit may hangganan na ang mga tanong na saan

Sa apat na sulok ng iyong kwarto
Ay patuloy kang nakikiusap
Naghahanap ng kaibigan
Paglingap at masasandalan

Pagkatapos iyong pagmamasdan ang kisame at pader
Sa gawing hilaga silaga timog at kanluran
Samantala habang ang diwa mo'y dahan-dahang umiidlip
Ay may liwanag na unti-unti naming sumisilip

Habang ang puso mo'y nananamlay
Natanaw mo ang liwanag na may kapangyarihang taglay
Na sasagot sa mga tanong na okay pa ba ako
O maayos pa rin baa ng kinalalagyan ko

Ewan ko ba

Mabuti na lang may liwanag
Ang liwanag ng araw

Isipin mo na lang sa buong mundo
Kung ilang bilyong tao pa ang naghihintay sa kanya
Araw-araw
Nagbabakasali na may bukas pa
Nakikipaghabulan sa liwanag na dala ay pag-asa

Ikaw naman
Sinasalo mo ang kulay na may dalang init
Masaya
Masakit
Titiisin mo
Wag lang hayaang manlamig

Alam mo ba
Ang kanyang bawat pagsilip
Ay isang pangungumusta
Kung okay ka lang ba o kaya pa ba

Ngunit sa dulo
Ang kanyang sinag ay kusang tumatalukap
At ang liwanag ay dahan-dahang kumukurap
Kasabay naman nito ang mga bituing nakangiti
Sa likod ng mga alapaap
Ibig sabihin
Na kahit sa pinakamadilim na kalawakan
Ay may liwanag na nakaabang
Nais lang sabihin ng araw
Na wag kang bibitaw

Kaya ayos lang yan

Kailangan niya lang ang iyong pagkalma
At wastong paghinga

Dahil may bukas pa
At hindi ka nag-iisa



Credits
Writer(s): Paul Leonard Cardenas
Lyrics powered by www.musixmatch.com

Link