Sinakulo

Sinubukan ko lang
Habang naghihintay ako sa kalawakan
Nakalutang, inaabangan ang iyong sagot na walang katiyakan
Habang sa iyong dako ng mundo ay masayang hinahawakan mo ang telepono
Pinagmamasdan ang mga litrato
Nakikibalita sa mundo na nababalutan ng tahimik na pasilyo
Habang ang mga dila'y nagkakagulo
Nakikipagtalo at nakikipagpatintero sa mga opinion ng mga hindi kaanu-ano

Sinubukan ko lang
Buksan ang aking mga palad na tahimik na naninimbang
Kung aawitan mo ako
O babanggitin mo ang pangalan ko
Na kahit may busal ka sa iyong labi
Ay naririnig ko ang saklolo at pagdadalamhati
Ng iyong damdamin sa mga pangyayari, sa mga nangyayari
Sa iyong harapan, sa sanlibutan na nababalutan ng itim na talulot
Tulad sa pagkupas ng iyong lakas at kinabukasan

Lahat ay walang kawala at hindi matakasan

Sinubukan ko lang
Habang nagkakagulo ang mundo
Sa labas ng iyong bakuran
Ay patuloy ka pa ring tumatakbo
Sa pasilyong may mga nagbubuntong-hininga
Sa harapan ng iyong sulatroniko
At kausap ang iyong mga amo
Nalimutan na ang nalalabing mga oras, minuto, at segundo na ito
Ay para sa akin naman

Sinubukan ko lang naman
Hindi ko alam kung saan ako nagkulang
Pero nagsusugat na ulit ang aking mga kalamnan
Dahil sa pagmamahal ko sa'yo nang lubusan
Sana'y malaman mo na nag-iiba na ulit ang kurba ng aking mga kamay
Habang bumabaon muli ang mga tinik
At hindi ko na masilip ang bawat saglit

Sana'y sa iyong paghalakhak at pag-indak
Ay marinig mo rin ang aking pag-iyak
Dahil ito na ang oras na pansamantalang huminto
At dahan-dahang nalumpo ang aking pagkabuo

Ipipikit ko lang saglit ang aking mga mata
Ako'y magpapahinga lang
At babalikan kita



Credits
Writer(s): Paul Leonard Cardenas
Lyrics powered by www.musixmatch.com

Link