Saranggola Sa Ulan

Naririnig ko pa ang tawa't hagikgik
Ng una kong sinta at kalarong paslit
At ang sabi ng matatanda
Siya ay maalwan, ako'y dukha

'Di raw kami bagay at kay raming dahilan
Ngunit, si Bakekay ay walang pakialam
Sa aming kamusmusan, kay raming palaisipan
Ngunit, tatlong bagay ang aking natutunan
Ang pag-asa'y walang hanggan
Pag-ibig ay walang hadlang
At lilipad ang saranggola sa ulan

At kung ang pagsinta ay 'di man nagtagal
Ang mas mahalaga, natutong magmahal
Umibig ng walang panghihinayang
Kahit malamang na masaktan

Kanina lang, sa aking tabi'y may aleng lumiko
At sa pagmamadali, nasagi ang aking puso
'Eto na naman ako sa aking kabaliwan
Na sinasabi nga nilang suntok sa buwan
Ngunit, hindi hihindian ng tulad kong natuto nang
Magpalipad ng saranggola sa ulan

Gaya ng lagi't laging sinasabi ko
Oh, siya nawa ay siya na nga ang totoo

Heto na naman ako sa aking kabaliwan
Na sinasabi nga nilang suntok sa buwan
Ngunit, hindi hihindian ng tulad kong natuto nang
Magpalipad ng saranggola sa ulan

Heto ako, tumatandang nakahandang panindigang
Ang bato sa tubig ay lulutang
At lilipad ang saranggola sa ulan



Credits
Writer(s): Gary Granada
Lyrics powered by www.musixmatch.com

Link