Maiba Taya Interlude

Gigising na naman ako, sa umagang ang hinain na kanin ay hindi ako tanggap ng mundo
At ang pait ng tubig na nalalasahan ko mula sa baso ay tila mga salitang naririnig ko paglabas ng kwarto
Na hindi dapat ako ganito, na hindi dapat ito ang piliin ko

Maglalakad na naman ako
Sa kalsadang para bang naglatag ng pulang alpombra sa dinadaanan ko
Na para bang ako ang bida at pagmamay ari ako ng publiko
Na pwede akong husgahan ano mang oras nila gusto
Hinihiyaw kung gaano sila kaperpekto at pupunahin ang sa tingin nila'y mali sa aking pagkatao
Dahil hindi raw dapat ako ganito, hindi raw dapat ito ang piliin ko

Isinasali 'nyo kami sa mga paborito 'nyong laro
At ang bawat paligsahan na ito ay inuumpisahan ng walang proseso
Nakabuo na kayo ng bilog at kami ang nasa sentro
Wala nang tanong-tanong basta pasok kaming deretso
Dahil naniniwala kayo
Na maiba-taya
Na kami ang naiiba
Kami ang dapat mapahiya

Nag-iinit ang mga mata
Tinatakpan nalang ang mga tainga
Dahil paulit ulit akong hinahabol ng masasakit na salita
Paulit-ulit akong taya
Sa arong ang pangalan ay panghuhusga
Sa larong ako ang talo kahit maka tapik ako ng iba
Sa larong pag inayawan ko, ako pa ang walang pakisama
Sa larong bawal makiusap, dahil pinagkakaisahan ka

Pagod na 'ko
Pagod na ko sa ganito
Pagod nang magtiis sa laro na alam ko namang luto

Alam kong bingi kayo
Nalibang sa sariling tawa
Pero parang mga bata na babait bigla
Pag bigla nang nawala
Ang pinagtutulungang taya
Huli na
Ayawan na, di na masaya



Credits
Writer(s): Beverly Cumla
Lyrics powered by www.musixmatch.com

Link